MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pasasalamat si Senador Ramon «Bong» Revilla Jr., sa Iglesia Ni Cristo (INC) at sa Executive Minister nitong si Eduardo V. Manalo para sa pag-endorso sa kanyang senatorial re-election bid.
Sa isang Facebook Live post, lubos na nagpasalamat si Bong Revilla sa INC sa kanyang pangako na patuloy na maglingkod sa nasasakupan nang may mas matinding sigasig. «Maraming salamat po kay Kapatid na Eduardo Manalo at buong Iglesia Ni Cristo sa inyong patuloy na tiwala sa akin, tungo sa inyong naging kapasyahan na ako po’y muli ninyong suportahan sa ating pagpapatuloy ng manilbihan sa bayan,» ayon sa senador. «Hindi ko po sasayangin ang inyong suporta at paniniwala sa akin,» wika pa niya.
Ang pag-endorso ng tinatayang 5 million-vote strong INC bloc ay hinihintay ng mga botante at pinaniniwalaang may malakas na impluwensya sa resulta ng halalan.
