OCTA: Pinoy na mahirap, bumaba sa 11.1 milyon


MANILA, Philippines — Nagkaroon ng mala­king pagbaba ang bilang ng mga ­pamilyang Pinoy na ikinokonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap.

Batay sa non-commissioned survey na idinaos ng OCTA Research group, mula sa 50% noong Nobyembre 2024, ang self-rated poverty ay bumaba sa 42%.

Ayon sa OCTA, nangangahulugan ito ng pagbaba ng 2.1 milyong mahihirap na pamilya, o mula sa tinatayang 13.2 milyon noong ­Nobyembre 2024 ay naging 11.1 ­milyon na lamang.

Bumaba ang self-rated poverty sa lahat ng lugar sa bansa, pinakamataas sa Mindanao, 61% sa ­dating 69%.

Samantala, sinabi rin ng OCTA na ang mga ‘self-rated food poverty,’ o mga indibidwal o tahanan ay nahihirapang makakuha ng sapat at masustansiyang pagkain, ay nagkaroon din ng malaking pagbaba.

Bumaba ito ng 49% o nasa 12.9 milyong pamilya noong Nobyembre 2024 at naging 35% o 9.2 milyon sa April survey.

Pagdating naman sa involuntary hunger, nananatili itong statistically unchanged o mula sa 16% noong Nobyembre 2024 ay naging 13% noong Abril 2025.

Tumaas umano ito sa mga respondents sa Mindanao, na mula sa 10% ay naging 23% ngunit malaki naman ang ibinaba sa Balance Luzon, na mula sa 23% ay naging 7% na lamang.

Ang survey na idinaos mula Abril 10-16, ay nilahukan ng nasa 1,200 respondents.