Maayos, payapang Eleksyon target ng Comelec


MANILA, Philippines — Naniniwala si Commission on Elections (Comelec) George Erwin Garcia na isang maayos at mapayapang halalan ang mararanasan sa Lunes, Mayo 12.

“Napakataas ng ating paniniwala sa mga kababayan nating botante na sila ay boboto at magiging tahimik ang ating eleksyon,” anang poll chief sa panayam ng Dobol B TV nitong Sabado.

Paliwanag niya, mabilis na makakatapos ang botohan dahil na-setup naman ang mabilis na sistema at proseso para matiyak na ­magiging mabilis ang pagproklama sa mga magwawaging kandidato.

Umapela rin siya sa publiko na magtiwala sa proseso ng eleksyon at huwag papatol sa mga fake news na kumakalat.

“Paniwalaan lang natin ang sistema at ­proseso at ‘wag paniwalaan ‘yung mga kasinu­ngalingan na nakakalat sa atin ngayon, lalo na ‘yung organized misinformation, disinformation at mga fake news,” aniya pa.

Muling kinalampag din ni Garcia ang mga lokal na kandidato na kusang tanggalin nitong Sabado ang malalaking campaign materials sa highway.

“Dapat 12:01am, bawal na ang pagkakalaking campaign materials. ‘Yung mga nakakalat sa mga highway, dapat tinatanggal na. Advise natin sa mga kandidato lalo na ‘yung may malalaking tarpaulin, tanggalin na nila ngayong araw,” paalala niya.

“Bukas ng 12:01 am, bawal na ang ­panga­ngampanya… Lahat nang klase ng pangangampanya kahit sa social media,” dagdag pa niya.

Iginiit niya na ang Task Force baklas ay patuloy sa pagsasampa ng kaso sa mga lumalabag kahit mismong araw na ng Lunes o botohan.

“Kahit araw ng Lunes, puwede kaming mag-file hangga’t hindi sila napoproklama… Kahit naproklama, puwede ang election offense at kasong kriminal,” ani Garcia.

Sinabi ni Garcia na mas mataas ang responsibilidad ng mga botante laban sa vote-buying dahil walang makakapamili kung walang magbebenta.

Kabilang sa ­itinuturing na vote-buying ang libreng sakay sa mga boboto at libreng almusal.

Nilinaw niya rin na hindi totoo ang mga kumalat na posts na undervoting o kulang sa boto ay daan upang manipulahin ang boto.

“Hindi totoo ‘yan. ‘Yan ay kasinungalingan. Kahit kulang ang boto, basta ‘wag lang sosobra, puwede ‘yan… Mabibilang at mabibilang ang boto,” aniya.