MANILA, Philippines — Nagdeploy ng medical personnel ang Department of Health (DOH) para sa pagresponde sa road emergency sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga nagbibiyahe para makaboto sa kanilang mga lalawigan.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na itinalaga ang Health Emergency Response Teams (HERTs) ng DOH sa mga pangunahing kalsada alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ihanda ang mga lugar na pupuntahan ng publiko kaugnay ng eleksyon.
Masusing pinagplanuhan ng DOH ang gagawing pagresponde sa road emergency kasama ang mga opisyal at kinatawan ng ibang ahensya na nagbabantay din sa mga expressways.
Bilang doktor na eksperto sa trauma, emergency at disaster, pinaalala ng kalihim ang kahalagahan at tamang proseso ng emergency response sa pagliligtas at pagsasalba ng buhay sa kalsada lalo na ang mga apektado ng banggaan.