MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masayang bakasyon ng anak na lalaki at pamangkin ni Senador Jinggoy Estrada matapos ang mga itong mapagtripang bugbugin ng tatlong sigang mga lalaki sa pamosong Boracay Island, Malay, Aklan nitong Sabado ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat nangyari ang pambubugbog sa mga biktimang sina Julian Ejercito, anak ni Senador Estrada at pamangkin nitong si Jefferelly Vitug, dakong alas-2 ng madaling araw sa Brgy. Balabag sa nasabing isla.
Bagaman noong una ay hindi muna tinukoy ng pulisya kung sinong kapamilya ng Senador ang nabugbog ay si Julian na mismo ang nagposte sa kaniyang social media account ng kanilang sinapit.
“To everyone expecting to see me at Epic tonight, I won’t be able to make it. Got caught in a really unfortunate situation last night and need time to recover, both physically and mentally appreciate all your understanding and support. See you soon,” ani Julian.
Ang Epic ay isang pamosong bar sa Station 2 sa nasabing isla.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang dalawa ay nanggaling sa isang bar at kasalukuyang naglalakad patungo sa isang mini-mall sa harapan ng beach nang harangin at kursunadahin ng tatlong lalaking mga siga na nakasalubong ng mga ito.
Walang sabi-sabing sinugod ng suntok at sipa ng tatlong lalaki ang dalawang biktima na kapwa nagtamo ng mga sugat sa kanilang mga ulo at mukha.
Bunga ng insidente ay bumiyahe patungong Malay, Aklan na nakakasakop sa Boracay si Senador Estrada.
“It’s unfortunate that my son Julian and his cousin Jefferelly Vitug had their vacation in Boracay marred by an act of violence. Early Saturday, they were assaulted by three young men,” ani Estrada.
Kasalukuyan namang nagpapagaling ang dalawa sa ospital.
Sa pahayag nitong Linggo ni Lt. Col. Mar Joseph Ravelo, Chief of Police ng Malay na sinampahan na nila ng kasong physical injuries ang tatlong suspect habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.
