Face mask wa epek sa Mpox — DOH


MANILA, Philippines — Hindi panlaban o panangga ang face masks laban sa sakit na monkeypox o Mpox.

Ito ang ginawang paglilinaw kahapon ni Department of Health (DOH) Spokesman at Assistant Secretary Albert Domingo.

Ayon kay Domingo, walang dahilan upang magtaas ang presyo ng mga face masks dahil hindi naman ito mabisang panangga laban sa Mpox.

Sinabi ni Domingo na ang Mpox ay hindi airborne kaya’t hindi makatutulong ang face masks upang iwasan ito. Kahit nakasuot ng face mask ang isang tao, kung magkakaroon naman ito ng close contact at makikipaghalikan o makikipagyakapan pa rin sa taong infected ng sakit, ay maaari pa ring mahawahan nito.

Nilinaw naman ni Domingo na ang Mpox ay hindi sexually transmitted disease dahil kahit maghalikan o magyakapan lang ay maaari nang mahawa nito.

“Hindi face masks ang panangga sa Mpox. Wag nilang tataasan ang presyo at wag nilang sabihin na mataas ang demand dahil DOH na ang nagsasabi na hindi ‘yan ang ginagamit sa Mpox.

Ang importante dito ay ‘yung balat sa balat.”