MANILA, Philippines — Nasa 37,000 pulis ang ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) para sa pagbabalik eskuwela ng milyung-milyong estudyante sa pampublikong paaralan sa Hunyo 16.
Sinabi ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Jean Fajaro na handa na ang PNP sa pagbubukas ng School Year 2025-2026 kung saan ay palalakasin ang police visibility sa bisinidad ng mga eskuwelahan.
Sinabi ni Fajardo na nasa 5,000 mga pulis ang itatalaga sa mga Police Assistance Desk sa mga paaralan.
“We are ready, we will also deploy police mobile and foot patrollers malapit sa mga paaralan,” saad ng opisyal.
Tututukan ng mga pulis ang mga insidente ng bullying na karaniwan na tuwing magbubukas ang klase.
Gayundin ang mga insidente ng pickpocketing, robbery/holdup at snatching kung saan maging ang mga estudyante ay nabibiktima.
Mahigpit ding babantayan ang transport terminal, paliparan at daungan; malls, business centers at iba pang mga lugar na dinarayo ng mga estudyante.
Una nang sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na tinatayang 27 milyong estudyante ang inaasahan nilang magbabalik eskuwela.
