MANILA, Philippines — Halos 4,000 trabaho ang handog ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga OFW sa idaraos nilang Mega Job Fair, para sa pagdiriwang ng 127th Philippine Independence Day ng bansa ngayong Huwebes.
Sa abiso ng DMW, isasagawa ang job fair mula 10:00AM-4:00PM sa Level 3, Robinsons Galleria — Ortigas, EDSA Wing Ortigas Ave., Ortigas Center, Quezon City.
Kabuuang 10 licensed recruitment agencies ang inaasahang lalahok sa job fair at mag-aalok ng nasa 3,630 job opportunities para sa land-based at sea-based workers.
Kabilang sa general requirements sa paglahok sa job fair ay ang pasaporte, resume, kopya ng diploma at TESDA certificates na relevant o aligned sa posisyong aaplayan.
Kailangan rin muna umanong magparehistro ang mga lalahok sa job fair sa opisyal na website o portal ng job fair na https://jobfairportal.dmw.gov.ph para makakuha ng QR code na siyang ipiprisinta sa registration booth sa pagtungo sa aktibidad.