February 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 9-anyos na batang lalaki matapos barilin ng isa sa tatlong suspek na rumesbak matapos sa ginawang pambubugbog ng una sa kapwa menor-de-edad na bata sa Navotas City nitong Miyerkules.
Inoobserbahan ngayon sa Tondo Medical Center si alyas Angelo, residente ng Market 3, Brgy. NBBN, na sumailalim sa operasyon sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib na tumagos sa kanyang likod.
Nadakip naman sa follow-up operation ng mga tauhan ni Navotas police chief PCol. Mario Cortes ang gunman na si “Aljhun”, 31, ng Bulungan St. Brgy. NBBS-Proper habang hinahanap pa ang dalawa niyang kasabwat na sina “JB” at “Albert”.
Ayon kay Cortes, nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa Palengke Avenue, Market 3, Brgy. NBBN matapos na resbakan ng mga suspek ang biktima dahil sa ginawa umanong pambubugbog nito sa isa ring menor-de- edad na si alyas JR.
Nagsumbong umano si alyas JR kay alyas Aljhun kaya hinanap ang biktima kasama ang dalawa pang magka-angkas din sa motorsiklo na sina “JB” at “Albert”.
Sa Palengke Avenue nakita at kinompronta ng mga suspek ang biktima hanggang sa barilin ni alyas Aljhun ang biktima sa dibdib.