DOTr: Pagsasapribado ng LRT-2, target nang simulan


MANILA, Philippines — Target ng pamahalaan na masi­mulan na ang pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ngayong taon.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, kailangan nang maisailalim ang operasyon at maintenance ng LRT-2 sa public-private partnership (PPP), bunsod na rin ng ilang ­aberyang dinanas nito sa mga nakalipas na araw.

“You know, it’s not that easy to fix these systems. The long-term solution here is really to place systems like LRT-2 and MRT-3 under a PPP,” ani Dizon.

“That’s the long-term solution because as long as the government is the one operating these systems, we’re limited by the budget and restricted by our procurement rules. That means we can’t fix these systems quickly, which is why that’s the ultimate solution,” aniya pa.

Dagdag pa ng kalihim, nananatili naman ang International Finance Corporation ang kanilang katuwang sa PPP process ng LRT-2 habang ang Asian Development Bank (ADB) naman para sa MRT-3.

Kaugnay nito, muli rin namang pinawi ni Dizon ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng pagtataas ng pasahe ng mga naturang rail lines, sakaling matuloy na ang pagsasa­pribado sa mga ito.

Paliwanag ni Dizon, ang pagpasok sa PPP ay hindi naman awtomatikong nangangahulugan na magtataas na ng pasahe.

Aniya, mananatili pa ring ang pamahalaan ang magre-regulate ng pasahe ng ating mga tren, kabilang na ang LRT-2 at MRT-3.

Anang DOTr chief, “We also want to assure our fellow citizens that entering into a PPP doesn’t mean that fare increases will happen just like that, because the government will still regulate the fares of our trains, including LRT-2 and MRT-3.”