MANILA, Philippines — Maaari nang maiproklama ng Commission on Elections (Comelec) si outgoing Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro bilang nanalong kinatawan ng unang distrito ng Marikina City sa katatapos na midterm polls noong Mayo 12.
Batay sa 38-pahinang resolusyong na-promulgate noong Hunyo 25, tuluyan nang inalis ng Comelec ang suspension order na inisyu nito laban sa proklamasyon ni Teodoro.
Sa naturang resolusyon, pinagbigyan ng Comelec En Banc ang consolidated motions for reconsideration na inihain ni Teodoro at binaligtad at isinaisantabi ang resolusyong inilabas ng Comelec First Division na nagkakansela sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) noong Disyembre 11, 2024.
“The order for the suspension of the proclamation of respondent Marcelino “Marcy” R. Teodoro issued by the Commission (En Banc) on 12 May 2025 is hereby lifted. Finally, the certificate of candidacy of herein respondent Marcelino “Marcy” R. Teodoro for the Member of the House of Representatives, 1st District, Marikina City in the 12 May 2025 National and Local Elections is hereby reinstated,” bahagi ng resolusyon.
Sa pagpabor sa mosyon ni Teodoro, sinabi ng Comelec na nabigo ang mga petisyuner na patunayang nakagawa si Teodoro ng material misrepresentation sa kanyang COC, na may kaugnayan sa kanyang residency sa Barangay San Roque sa unang Distrito.
Dagdag pa ng poll body, hindi naman idineklara ni Teodoro sa kanyang COC na siya ay rehistradong botante na at sa halip ay nilagyan ng check ang opsiyon na, “I will be a registered voter of…” at isinaad ang kanyang addess sa Barangay San Roque.
“This phrasing reflects a future-oriented, contingent status that is conditional upon the expected approval of his pending application,” anito.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Teodoro sa desisyong inilabas ng Comelec at sinabing ito ay tagumpay ng mga mamamayan ng Marikina.
“Democracy has prevailed. This is a victory for the people of Marikina,” ani Teodoro, sa isang pahayag.