Binata nag-amok kalaboso | Pilipino Star Ngayon


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

February 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang 20-anyos na binata matapos na magwala bitbit ang isang balisong sa Malabon City nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa ginagawang pag-aamok ng suspect na si alyas ‘Mico’ ng A. V Reyes St., sa kahabaan ng Magsaysay St., Brgy. San Agustin sa hindi pa batid na kadahilanan.

Agad namang nag­responde ang mga tauhan ng Pasay Police Sub-Station 6 at dito’y inabutan pa nila ang ginagawang pag- aamok ni alyas Mico kaya pilit nilang hinimok na huminahon dahil nabubulahaw na ang mga natutulog na residente sa lugar pero pumalag at inangasan pa sila ng suspect.

Dahil dito, inaresto na ng mga tauhan ng Police Station 6 ang suspect at kinumpiska ang dalang patalim bago binitbit patungo sa presinto para ipagharap ng kaukulang reklamo.

Nahaharap nga­yon sa kasong alarm and scandal at illegal possession of deadly weapon  na isinampa ng pulisya sa Malabon City Pro­secutor’s Office laban sa pasaway na suspect.