Nangangamba sa HIV | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Fred, 25 anyos at may asawa. Wala akong pirmihang trabaho at nakatira lang kaming mag-asawa at isang anak sa barung-barong. 

Sinabihan ako ng isang kaibigan ko na tumulad sa kanya na isang callboy dahil tisoy ako at tiyak na kikita ako ng malaki.

Gamitin ko raw ang aking gandang lalaki para yumaman.

Nang minsang subukan ko ay kumita agad ako ng P2-k kaya inulit ulit ko ang pagiging male prostitute at karamihan sa mga customer ko ay bakla.

Ngunit minsan, napansin ko na hindi ko na nakikita ‘yung friend ko. 

Nang dalawin ko sa bahay ay nakahiga na lang at payat na payat. 

Nagkaroon raw siya ng AIDS at pinayuhan akong magpa-HIV test. Doon ako kinabahan at ayaw kong magpa-test dahil baka may HIV na nga ako.

Nangangamba ako ngayon. Ano ang gagawin ko?

Fred 

Dear Fred,

Kung HIV positive ka hindi mawawala ang sakit kundi lulubha pa lalo kung hindi ka kukunsulta sa doktor. Mas ma-buting malaman mo ang totoo para kung totoong HIV positive ka ay mabigyan agad ng lunas.

Hindi nagagamot ang AIDS pero kung nasa early stage ay puwedeng mahadlangan ang paglubha nito.

Samantala, itigil mo na ang pagiging callboy. At maghanap ng disenteng hanapbuhay. 

Maaaring hindi magiging madali pero malinis ang kita mo. 

Dr. Love