Missing sabungeros: Halo-halong buto ng tao, hayop ang na-recover


MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police na may natagpuang halo-halong buto ng tao at hayop sa Taal Lake habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawalang sabungero.

Ayon kay PNP chief Nicolas Torre III, natanggap na ng kanilang forensic group ang ilan sa mga labi mula sa Batangas.

“May mga nare-recover na animal remains, may mga human, at mix-mix na ang ating mga tinitingnan ngayon,” sabi ni Torre sa isang press briefing nitong Hulyo 14.

Paliwanag niya, may mga sakahan sa paligid ng Taal kaya posibleng doon galing ang mga buto ng hayop. Patuloy pa ang pagsusuri kung alin sa mga labi ang mula sa tao at alin ang sa hayop.

DNA test ang susunod. Sinabi ni Torre na isasailalim sa DNA cross-matching ang mga labi para ikumpara sa DNA ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Bagama’t mabilis ang proseso ng pagsusuri, hindi pa nagbigay ng eksaktong petsa si Torre kung kailan matatapos ito dahil maaaring magkaroon ng teknikal na aberya.

5 sako ng buto, narekober na. Halos 50 technical divers mula sa Philippine Coast Guard ang ipinadala sa Taal upang tumulong sa paghahanap. Ayon sa mga awtoridad, limang sako ng hinihinalang buto ng tao na ang narekober mula nang simulan ang search operation. — Ayon sa ulat ni Jean Mangaluz