Bato isusunod kay Duterte | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Maaaring arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa sandaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin sa panayam ng Kyodo news, maaaring makatanggap si dela Rosa ng katulad na pagtrato kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto ng Philippine National Police (PNP) nitong Marso at ikinulong sa The Hague, dahil sa alegasyon ng crimes against humanity dahil sa pagpatay sa kanyang war on drug campaign.

Matatandaan na si dela Rosa ang noo’y chief ng PNP ng administrasyon ni Duterte nang isagawa ang war on drugs campaign nito.

Samantala, sinabi naman ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na wala pang natatanggap na komunikasyon mula sa ICC kaugnay sa iba pang kapwa akusado ng dating pangulong Duterte.

“Sa ngayon, wala pa po tayong natatanggap na anumang communication kung mayroon na pong warrant of arrest para sa mga co-perpetrators ni dating pangulong Duterte,” pahayag pa ni Castro.

Si Dela Rosa ay isa lamang sa mga kapwa akusado ni Duterte sa kasong crime against humanity bunga ng ipinatupad noong war on drugs campaign kung saan maraming mga indibidwal at umano’y mga suspek sa ilegal na droga ang kasama sa mga nahulog sa umano’y extra judicial killings ng nagdaang administrasyon.