MANILA, Philippines — Pinasuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng preparasyon na may kaugnayan sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).
Sa pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ito ay dahil dismayado ang Pangulo sa ulat na ilang government personnel ang abala sa pagpapaskil ng SONA materials habang maraming komunidad at mamamayan ang nakakaranas ng matinding pagbaha.
“The President is dismayed by reports that government personnel are putting up SONA-related materials in public areas while many communities are battling heavy flooding,” pahayag ni Bersamin bunsod para iutos nito na itigil ang lahat ng preparasyon at tumutok sa pagtugon sa problema sa pagbaha at relief operations.
Inatasan naman ng Kalihim ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensiya ng gobyerno na itutok ang kanilang atensiyon sa relief operations at paglutas sa baha upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan, lalo na sa panahon ng krisis.
Umaasa naman si Bersamin na susunod ang lahat ng ahensiya upang matulungan ang maraming mamamayan na nagdurusa ngayon sa perwisyo ng matinding pagbaha.
“The President’s directive is to focus all efforts on ensuring the safety and welfare of the Filipino people especially during this times of crisis,” dagdag pa ni Bersamin.
Kahapon ay umani ng negatibong reaksiyon ang mga larawang umikot sa social media kung saan naglalagay na ng posters at larawan ng Pangulo kaugnay sa kanyang nakatakdang SONA sa Lunes, Hulyo 28.
