Dear Dr. Love,
Ako po si Crista ay isang 2nd year college student sa Maynila. Ang problema ko po ay tungkol sa aking mga magulang na ayaw akong payagang mag-dorm malapit sa school kahit na araw-araw akong nahihirapan sa biyahe, lalo na’t lumalampas sa 3 oras ang commute ko.
Ang rason po nila? Kasi raw may boyfriend na ako. Baka raw kapag napalayo ako sa kanila at napunta sa dorm, mabuntis lang ako at hindi makatapos ng pag-aaral. Masakit po sa akin na hindi nila ako pinagkakatiwalaan. Palagi ko po pinapatunayan sa kanila na responsable ako, na ang relasyon namin ng boyfriend ko ay hindi sagabal sa pag-aaral—bagkus siya pa nga po ang nag-e-encourage sa akin na mag-aral ng mabuti.
Hindi ko naman po sinasabing pabayaan nila ako o hayaan akong gawin ang gusto ko, gusto ko lang po ng kaunting tiwala. Hindi po ba unfair na lahat ng kilos ko ay hinuhusgahan agad dahil lang sa takot nilang baka magkamali ako?
Paano ko po sila mapapaniwala na may pa-ngarap din po ako, at kaya kong protektahan ang sarili ko? Hindi naman po yata lahat ng babae na may boyfriend ay tiyak nang mabubuntis.
Crista
Dear Crista,
Natural sa mga magulang ang mag-alala—lalo na kung ikaw ay babae, may karelasyon, at malayo sa kanila. Hindi dahil gusto ka nilang kontrolin, kundi dahil mahal ka nila at gusto ka nilang protektahan sa posibleng sakit, pagkakamali, at pagsisisi.
Pero may punto ka rin. Ang tiwala ay pundasyon ng pagkakaunawaan. Ipakita mo sa gawa—hindi lang sa salita—na kaya mong panindigan ang iyong mga desisyon. Panatilihin mong mataas ang iyong marka, manatiling bukas sa kanila, at huwag silang itago sa anino ng iyong relasyon. Kung may tiwala ka sa sarili mo, turuan mo rin silang magtiwala.
Pwedeng mo ring imungkahi sa kanila na minsan ay dalawin ang dorm na balak mong lipatan, ipakita mo ang maayos na pamama-lakad doon at ang pagkakahiwalay ng lalaki’t babae.
Hayaan mong makita nilang hindi ito “love nest,” kundi isang ta-hanan para sa isang estudyanteng may pangarap.
Tandaan, hindi ang layo ng karelasyon ang nakakasira ng kinabukasan, kundi ang kakulangan sa disiplina at direksyon.
Patunayan mo na parehong meron ka nito.
DR. LOVE