MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tagumpay ng kanyang misyon matapos ang tatlong araw na pakikipagpulong kay US President Donald Trump sa Washington D.C.
Sa arrival message ng Pangulo, masayang ibinalita nito na nakakuha siya ng $2 billion na investment pledges mula sa malalaking business leaders sa Amerika na may potensiyal na magbigay ng libu-libong hanapbuhay sa mga Pilipino.
Nasentro sa kanyang pakikipagpulong sa mga malalaking negosyante sa Amerika ang oportunidad sa pagtatag ng seguridad sa ekonomiya at katatagan.
Kabilang aniya sa mga top executives na nakausap ng Presidente ay mula sa nangungunang kumpanya sa global investment, healthcare, imprastruktura at semiconductors.
Bukod pa ito sa pangako ng US government na dagdag na $15 million para sa private sector development sa ilalim ng Luzon Economic Corridor initiative at dagdag pang $48 million sa foreign assisted projects.
