MANILA, Philippines — Mga nagnakaw sa flood control projects
“Mahiya naman kayo!”
Ito ang matigas na banat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na nagnakaw ng pondo ng flood control projects, sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Complex kahapon.
Ayon sa Pangulo sa kanyang pag-iinspeksyon sa naging epekto ng Habagat, mga bagyong Crising, Dante at Emong ay kitang-kita niya na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho habang ang iba naman ay guni-guni lang.
“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto tulad ng mga kickback, initiative, errata, SOP, at “for the boys”, sabi ng Pangulo.
“Kaya sa mga nakikipagsabwatan para kunin ang pondo ng bayan, nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa baha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera,” banat pa ni Marcos.
Iginiit naman ng Pangulo na hindi na ito mauulit pa dahil agad na magsusumite sa kanya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng listahan ng mga flood control projects kada region na sinimulan na o nakumpleto na sa nakalipas na tatlong taon.
Ipinag-utos ni Marcos sa regional project monitoring committee ang pag-eksamin ng listahan ng mga proyekto at magbibibgay din ng report sa mga hindi natuloy o natapos na proyekto at maging ng mga alegasyon ng ghost projects.
Ipa-publish na rin ang mga listahan at isasapubliko ito para masaksihan ang mga proyektong ito at malayang masuri ang listahan at magbahagi ng kanilang nilalaman para makatulong sa imbestigasyon.
Kasabay nito, magkakaroon din ng audit performance review kaugnay sa mga proyekto para masuri at masiguro kung paano ginastos ang pera rito.
Siniguro naman ni Marcos na sa mga susunod na buwan ay makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon maging ang mga kasabwat na mga kontratista sa bansa, para malaman ng taumbayan ang buong katotohanan at kailangang may managot sa naging pinsala at katiwalian.
