Pinagtaksilan ng kapatid | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Ulilang lubos na ako at ang tanging survivor sa pamilya ko ay ako at ang aking kapatid. Tawagin mo na lang akong Marcial. Ako ang nagpaaral sa kapatid ko ng kursong merchant marine. Gusto ko siyang maging seaman na kagaya ko.

Nang umuwi ako three years ago ay nag-asawa na ako. Pero matapos ang limang buwan ay pumalaot uli ako sa karagatan. Gusto kong makapag-ipon nang malaki para sa kinabukasan ng pamilya ko.

Naiwan ko ang misis ko sa aming tahanan kasama ang aking kapatid. Ni sa hinagap hindi ko naisip na may mamamagitan sa kanila. Una, akala ko tsismis lang. Para sa ikapapanatag ng aking damdamin, bumalik ako ng Pilipinas at doon ko nakumpirma na totoo ang lahat. Buntis ang misis ko at ang ama ay ang aking kapatid.

Hindi ko maintindihan ang aking naramdaman. Mahal ko ang aking kapatid pero kasabay nito ay ang matindi kong pagkapoot sa kanilang dalawa. Pinalayas ko ang aking asawa pero kahit mabigat sa kalooban ko ay pinatawad ko ang aking kapatid.

Nag-file ako ng annulment at hindi ko tiyak kung makasasakay pa ako ng barko. 

Ang problema ko ay kung paano ko ganap na mapapatawad ang aking kapatid sa kabila ng ginawa niya sa akin.

Marcial 

Dear Marcial, 

Nauunawaan ko ang pinagdaraanan mo. Pero kapatid mo siya at mahirap kapootan ang sarili mong kadugo.

Patawarin mo ang kapatid mo bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos.

Pasasaan ba at ang sugat ay maghihilom din. Isipin mo na dadalawa na lang kayong magkadugo sa mundong ito. Ilagak mo na sa iyong likuran ang hindi magandang nakalipas at buksan ang isang bagong kabanata ng iyong buhay.

Dr. Love