Probe sa flood control projects gugulong na — Bersamin


MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Executive Secretary ­Lucas Bersamin na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na simulan agad ang imbestigasyon sa mga palpak na flood control projects.

Dapat aniyang mabun­yag ang mga opisyal ng gobyerno na nakipagsabwatan sa mga contractors at kumita sa mga proyekto.

Sinabi rin ni Bersamin na aalamin sa imbestigasyon kung hanggang saan ang sakop ng mga kumita sa proyekto.

Nauna nang tiniyak ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address na mananagot sa batas ang mga mapapatuna­yang nakinabang sa mga palpak na flood control projects.

Bagaman at walang ibinigay na timeline ang Malacañang kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kung kailan tapusin ang imbestigasyon, sinabi na mahalagang matukoy kung sinu-sinong mga opisyal ang dapat na managot.

Idinagdag ni Bersamin na hindi bulag ang Pa­ngulo dahil kitang-kita nito ang epekto ng malawakang pagbaha sa kabila ng sinasabing flood ­control projects na ginawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaugnay nito ­inihayag ni DPWH Secretary ­Bonoan na maari nilang isumite sa loob ng ilang araw sa Pangulo ang listahan ng flood control projects sa loob ng tatlong taon.