MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtutok ng kanyang administrasyon sa agrikultura at food security.
Kabilang sa mga hakbang ay ang pagpapalakas ng laban sa smuggling para maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at ang ekonomiya ng bansa.
Binanggit ng Pangulo sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang kahalagahan na gawing prayoridad ang produksiyon ng local na palay, pamamahagi ng seedlings at fertilizers, pagsasanay sa mga magsasaka at ang gawing moderno ang kanilang agricultural practices.
Ang mga programang ito ay bahagi ng aklat na “Leave Nobody Hungry”, na isinulat ng negosyante at philanthropist na si Virginia Rodriguez na nagsusulong ng contemporary farming practices at paggamit ng organic na pataba.
Inihayag din ng Pangulo ang suporta sa pagpapalawig ng Kadiwa centers para ang abot kayang halaga ng agricultural products ay maging available at mailapit sa publiko.
Kasama rin sa nais matutukan ng Pangulo ang tulong sa mga mangingisda at ang pagpapatupad ng epektibong stratehiya laban sa smuggling ng agricultural at fishery products.
Matagal nang isinusulong ni Rodriguez ang pagtulong sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng advanced farming implements na sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng mas mataas na ani na nagreresulta naman sa mas mababang presyo ng produktong agrikultura kabilang ang gulay.