Abalos, magsasaka, DA, NFA nagkaisa para maisulong amyenda sa Rice Tariff Law


CABANATUAN, Nueva Ecija, Philippines — Pinangunahan ni dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang isang dayalogo kasama ang mga magsasaka, Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at Magsasaka Partylist nitong Martes upang pakinggan ang mga hinaing ng mga magsasaka at humanap ng praktikal na solusyon sa kanilang mga suliranin.

“Importante sa isang bansa ang mayroong pagkain at ang nagpapakain sa ating bansa ay kayong mga magsasaka. Kaya dapat lamang na makinig at pakinggan ang mga problema at isa-isahin natin kung paano ito masosolusyunan,” pahayag ni Abalos sa mga nagtipong magsasaka.

Para kay Abalos, simple lamang ang solusyon: bigyang kapangyarihan ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka sa tamang presyo at ibenta ito agad. Aniya, hinahadlangan ng kasalukuyang Rice Tariffication Law ang kakayahan ng NFA na suportahan nang epektibo ang mga lokal na magsasaka.

Paliwanag ni Abalos, nililimitahan ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203 ang papel ng NFA sa pag-maintain lamang ng emergency buffer stocks. Ang limitasyong ito, ayon sa kanya, ay nagpapahina sa kakayahan ng ahensya na tulungan ang sektor ng agrikultura nang mas maayos.

Mas malala pa aniya, ginagamit ng mga profiteers ang ­kasalukuyang sistema upang manipulahin ang ­presyo ng bigas.

Binigyang-diin niya na ang pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA na bumili ng bigas sa tamang presyo at ipamahagi ito nang direkta sa publiko ay mahalaga upang ­masiguro ang seguridad at abot-kayang presyo ng pagkain.

Nangako rin si Abalos na ipagpapatuloy ang kanyang pagsusumikap na amyendahan ang Rice Tariffication Law sakaling siya ay mahalal sa Senado.