MANILA, Philippines — Hinimok ni Senate Deputy Minority leader Risa Hontiveros ang mga awtoridad na sugpuin ang sindikato na ang modus ay magbigay ng libreng biyahe sa Thailand pero nauuwi sa trafficking sa isang scam hub sa Myanmar.
Ayon kay Hontiveros, pinagmumukhang nanalo ng all expense trip sa Thailand ang mga biktima pero imbes na makapagbakasyon ay dinadala sila sa mga scam hub sa Myanmar para sapilitang pagtrabahuhin.
Kadalasan aniya ay nahihikayat ang mga biktima sa mga ads sa social media na nagkukunwaring promo o raffle para sa libreng biyahe.
Ang hindi alam ng mga biktima ay sa online gaming at scamming centers sila mapupunta. Partikular na dadalhin daw ang mga Pinoy na biktima sa human trafficking compound sa Myanmar.
Sinabi ni Hontiveros na bukod sa sapilitang pagta-trabahuhin ay nabubugbog pa at naaabuso ang mga biktima.
Noong 2022 pa unang ibinunyag ni Hontiveros ang modus kung saan nagaganap ang human trafficking ng mga Pinoy na nahihikayat magtungo sa Thailand pero napupunta sa crypto-scamming job sa Myanmar.