Ang kapit bahay (19) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 3, 2026 | 12:00am

“PARA sa anak ko kaya hinahanap si John,’’ sabi ng babae na tuluyan nang umiyak.

Pakiramdam ni Vince ay nadurog ang puso niya sa pag-iyak ng babae. Hindi iiyak ng ganito ang babae kung hindi sagad na sagad ang problema. Hindi iiyak ang babae sa harap ng ibang tao kung hindi napalalaki ng problema. Pakiramdam ni Vince, siya na lamang ang inaasahan ng babae na makatutulong para makita si John.

“Kung ako lang mag-isa, hindi na ako mag-aaksaya na hanapin si John. Pero nga­yong kailangan ang sustento, dapat makita ko siya. Mayroon siyang pananagutan,’’ sabi ng babae at tumigil sa paghikbi.

“Huwag ka nang umiyak, sasabihin ko sa iyo kung saan matatagpuan si John.”

Nagliwanag ang mukha ng babae.

“Totoo?”

“Oo.”

“Salamat Sir.”

“Pero gaya ng sinabi ko kanina, huwag mo akong idadawit sa kung anuman ang kahihinatnan ng pag-uusap n’yo.”

“Oo Sir. Pangako.”

Sinabi ni Vince ang mga nalalaman tungkol kay John at sa kinakasama nito. Pati kung saang lugar ito naka­destino. Wala na siyang iti­nago sa mga napapansin sa kapitbahay.

Itutuloy