February 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinaha-hunting ni Sen. Grace Poe ang pumana sa asong nagngangalang Tiktok na ginawang dart board gamit ang improvised dart arrows sa Murcia, Negros Occidental.
Ayon kay Poe, nakakagalit ang nasabing “barbaric act” laban sa isang inosenteng aso.
“Galit kami sa ginawang barbaric act laban sa asong nagngangalang Tiktok mula sa Negros Occidental.
Ang ganitong kalupitan sa isang inosenteng nilalang ay walang lugar sa ating sibilisadong lipunan. Ano ang pipigil sa mga salarin sa pamamaril sa mga tao sa susunod na pagkakataon?” ani Poe.
Ayon sa Bach Project PH, limang beses na pinana ang asong si Tiktok.
Ni-rescue nila ito sa Hacienda Puyas, Barangay Blumentritt at pinagamot sa veterinary clinic.
Nanawagan si Poe sa mga residente ng lugar na tumulong sa local government unit at animal welfare groups sa paghahanap ng mga indibidwal na nanakit sa Tiktok. Dapat aniyang managot sa batas at maparusahan ang may sala.
Nag-alok na ng P10,000 cash reward si Mayor Gerry Rojas sa makapagtuturo sa mga indibiduwal na nanakit sa aso.
Sa ngayon ay umabot na sa P65,000 ang gantimpala para sa sinumang makakakilala sa suspek.
