Dear Dr. Love,
Tatlong taon na kaming mag-asawa, nireres-peto ko ang desisyon ng misis ko na ayaw niyang magkaanak. Ayaw raw niya matulad sa kanya ang magiging anak namin na mahihirapan sa buhay. Sabi ko nga, kahit ako na lang ang mag-alaga o kukuha kami ng yaya. Hindi ko lang masabi sa misis ko ang pagkasabik ko sa pagkakaroon ng anak. Madalas tinutukso ako ng mga kumpare ko na mag-anak na lang daw ako sa iba. Hindi ko naman magagawa ‘yun sa misis ko, pero hindi maalis sa akin ang malungkot dahil wala kaming anak. Ano ba ang puwede kong gawin para makumbinsi si misis na subukan lang namin mag-anak?
Mon
Dear Mon,
Bilib ako sa pagmamahal mo at respeto sa iyong misis. Tama na huwag kang padala sa mga pambu-bully ng mga kaibigan mo. Manatili kang tapat sa kanya. Ang family counsel ay makakatulong para mapagnilayan ninyo, lalo na ng misis mo ang pagbuo ng pamilya, kung saan kasama ang pagkakaroon ng anak. Samahan mo rin ng taimtim na dasal, wala namang imposible sa Diyos.
Dr. Love