MANILA, Philippines — Isa pang sibilyan na tetestigo sa kaso ng missing sabungeros ang ilulutang ng Department of Justice (DOJ) na tatayong totoong ebidensya at magpapalakas sa kredibilidad ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
“Napakahalaga. It bolsters the credibility of Totoy,” pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“Hindi lang ito testimonial evidence. May real evidence na involved dito. Meron dito totoong ebidensya na bukod sa kwento,” dagdag niya.
Samantala, nagpasalamat si Remulla kay PNP chief PGen. Nicolas Torre III na nagtungo sa DOJ at pumayag na i-relieve ang isang service commander sa kaso ng missing sabungeros, upang mawala ang agam-agam at pagdududa.
“Nakiusap ako kay General Torre na i-relieve yung isang service commander at nangyari naman. Kaya ngayon malinaw na naman ang aming landas patungo sa paglutas ng problemang ito,” ani Remulla.
Nilinaw ni Remulla na ang pag-relieve sa service commander ay hindi isyu na may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero, kundi sa kawalan ng tiwala.
“Meron siyang kinilos na hindi ko gusto,”ani Remulla.
Nakikipag-ugnayan aniya siya kay Napolcom vice chairperson at executive officer Atty. Rafael Calinisan para ikumpara ang mga impormasyon sa direksyon ng imbestigasyon.
Ngayong linggo rin ang nakatakda niyang pakikipag-usap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ipaalam ang status ng kaso.
Kaugnay nito, itinuloy na ang search and retrieval operations sa Taal Lake na natigil dahil sa masamang panahon.