Dear Dr. Love,
Napilitan kaming tumira sa bahay ng lolo ko dahil sa nasunugan kami. Sa ngayon ay wala pa talaga kaming kapasidad para mangupahan dahil talagang naabo ang marami naming kagamitan. Bagaman sanay ako sa hirap, nagkakaroon naman kami ng sapin-sapin na problema.
Una, problema namin ng bahay na matitirhan. Pero dahil no choice, nandito kami kina lolo. Ito ang pangalawang problema, ang nakaka-stress na situwasyon sa loob ng bahay.
Ang dahilan, hindi magkasundo sina mama at lolo. Parang wala nang puknat ang sermon ni lolo na nagagalit kay mama.
Dahil nakikitira lang kami, wala kaming magawa ni papa kundi ang magtiis. Wala eh, di pa talaga kaya mangupahan ng bahay.
Ang nangyayari, para kay lolo ay feeling dalaga si mama. Napapansin niya raw na ang lahat ng gawain ay iniaasa ni mama kay lola. Kaya madalas nang gagalaiti si lolo sa galit kay mama.
Bunga nito, sinisikap ko na maging maagap sa kung ano ang pwedeng magawa ko na sa bahay, kapag nandoon ako. Namamasukan na apo kasi ako, kaya napipirmi lang ako sa bahay kapag walang pasok.
Ahmaya
Dear Ahmaya,
Naiintindihan ko ang bigat ng sitwasyon ninyo sa bahay ng lolo mo. At hindi ‘yan biro, kaya natural lang na ma-stress ka dahil bukod sa pagkawala ng bahay, wala pang kapayapaan ang bahay na tinutuluyan ninyong mag-anak.
Ang ganitong setup ay mahirap kasi hindi lang pisikal na tirahan ang kailangan, kundi kapayapaan din sa loob ng tahanan.
Kung kaya, pagsikapan mo na maglaan ng oras para magkausap ang mama mo at lolo sa presensya ng papa mo o kaya ikaw, para malinaw ang mga inaasahan sa gawaing bahay.
Minsan, ang hindi pagkakaintindihan ay lumalala dahil walang malinaw na kasunduan. Pwede siguro, halimbawa, hati-hatiin ang gawaing bahay para hindi lahat ay mapunta kay lola.
Kahit maliliit na bagay, malaking tulong na makita ni lolo na may effort ang mama mo.
Dahil hindi pa kayo makakaalis agad, pwedeng magplano para sa hinaharap gaya ng pag-iipon ng kaunti para sa muling pagkakaroon ng sariling bahay. Ang pinakamahalaga ngayon ay mapanatili ang respeto at komunikasyon. Hindi mo kontrolado ang ugali ni lolo o ni mama mo, pero may magagawa ka para hindi lumala ang tensyon.
Dr. Love