September 3, 2025 | 12:00am
2 luxury cars lang naabutan
MANILA, Philippines — Dalawa lang sa 12 luxury cars na target ng search warrant ang naabutan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa bahay ng pamilya Discaya sa Pasig City, kahapon.
Nabatid na Lunes pa ng gabi nang unang tangkain ng BOC na pasukin ang compound para isilbi ang search warrant ngunit hindi sila pinapasok.
Ayon kay BOC Chief of Staff Jek Casipit, dalawang ulit nilang sinubukang magsilbi ng search warrant, una ay dakong alas-9 ng gabi at ang ikalawa ay alas-10 ng gabi, ngunit hindi sila pinayagang makapasok sa lugar.
Kahapon lang umano sila pinayagan ng mga tauhan ng BOC na makapasok sa pasilidad ngunit dalawang sasakyan lamang mula sa 12 sasakyan na target ng inspeksiyunin, ang natagpuan nila sa lugar.
“May nakita kaming dalawang units right now. ‘Yung Land Cruiser at Maserati. ‘Yung iba, hindi namin nahanap. Wala kaming makita rito,” ayon kay Casipit.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sa flood control projects, inamin ni Sarah Discaya na nagmamay-ari siya ng 28 luxury cars habang ang iba ay pawang service vehicles lamang para sa kanilang construction firm.
Pero una nang sinabi ni Curlee Discaya, asawa ni Sarah, na mayroon silang 40 luxury cars.
Sakop ng warrant ang 12 luxury cars na walang import entry records sa BOC. Kabilang dito ang Cadillac Esplanade, Toyota Tundra, Toyota Sequoia, Rolls-Royce Cullinan, Mercedes-Benz, Toyota Tundra pick-up, Lincoln Navigator 2021, Lincoln Navigator 2024, Maserati Levante at Bentley Bentayga.
Ayon sa BOC, bahagi ang naturang pagsisilbi ng search warrant sa imbestigasyon kung may anomalya sa pagbili o pag-angkat ng mga sasakyan ng pamilya Discaya.
Kung mapatunayan aniya ng BOC na maayos ang rehistro ng mga behikulo at nabayaran ang mga duties at taxes nito, ay hindi naman nila kukumpiskahin ang mga sasakyan.
Gayunman, kung walang maipakitang dokumento ang mga Discaya ay bibigyan sila ng 15-araw upang maisumite ang mga ito.
Nakipag-ugnayan na rin ang BOC sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para hanapin ang iba pang luxury vehicles ng mga Discaya.
