Bersamin, Remulla, Estrella caretakers sa Malaysia trip ni Pangulong Bongbong Marcos


MANILA, Philippines — Biyaheng Malaysia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang dumalo sa ASEAN-Gulf ­Cooperation Council (GCC) Summit sa Malaysia mula Mayo 26 hanggang 27.

Habang nasa Malaysia ang Pangulo, sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang itinalaga bilang government caretakers.

Ang pagtatalaga sa tatlo ay inanunsiyo ilang araw matapos ipag-utos ni Marcos Jr. ang malawakang reorganisasyon ng kanyang Gabinete.

Matatandaan na pinagbitiw lahat ng ­miyembro ng Gabinete kasunod na rin ng mahinang performance ng senatorial slate ng admi­nistrasyon sa nakaraang 2025 midterm polls.

Kalimitang itinatalaga ng Pangulo ang Bise Presidente o isang senior na miyembro ng Gabinete  bilang officer-in-charge kapag nasa labas ito ng bansa.

Dahil hindi maayos ang relasyon ni Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte, pumipili ang Pangulo mula sa mga miyembro ng kanyang Gabinete upang maging caretaker at pansamantalang mangasiwa sa mga executive functions.

Si Bersamin, isang dating punong mahistrado at ngayon ay executive secretary, ay matagal nang itinuturing na isa sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ni Marcos Jr.. Sina Remulla at Estrella ay nakikita rin na bahagi ng inner circle ng Pangulo.

Inaasahang lalahok ang Pangulo sa siyam na high-level engagement sa panahon ng summit sa Kuala Lumpur, kabilang ang mga pagpupulong sa mga parliamentarians, ASEAN Business Advisory Council, ASEAN Youth leaders at ang paglagda sa Kuala Lumpur Declaration.