Bilanggo sa Cebu City jail namatay sa torture — NBI


MANILA, Philippines — Posible umanong na-torture ang isang bilanggo sa loob ng Jail Male Dormitory sa Cebu noong nakaraang weekend kaya ito namatay.

Ito ang inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 7 tungkol sa sinapit ng isang 37-anyos na nabilanggo noong March 25 dahil sa kasong statutory rape.

Sinasabing dinala pa sa ospital ang naturang inmate noong April 26 pero naideklara ring patay na nang makara­ting sa pagamutan.

Unang sinabi ng doctor na tumingin dito na ang biktima ay namatay dahil sa atake sa puso pero inimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang insidente at lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang biktima ay namatay sa torture.

Ang CHR ang nag-request sa NBI-7 na isailalim ang biktima sa autopsy examination.

Ayon kay NBI-7 medi­co-legal officer Dr. Rene Cam, nakakita siya ng blunt traumatic injuries sa biyas ng biktima na sensyales na pinahirapan o tinortyur. 

Ayon kay Cam, ang nangyari sa biktima ay mistulang sumailalim sa hazing na ginamitan ito ng paddled. Nakakita rin ito ng pamamaga sa bandang scrotum.

“The pain was more than a person could bear. These are fresh injuries. The deceased was only in prison inside the BJMP for about one month. These injuries did not occur earlier—meaning this could have happened almost every day,” ayon kay Dr Cam.