MANILA, Philippines — Inalmahan ng Kamara ang paratang ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na bahagi ng demolition job ng Kamara ang alegasyon na nagkaroon ng bilyun-bilyong pisong insertion sa 2025 national budget.
Sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante, na sa halip na magpaliwanag si Escudero sa P150 bilyong amyenda sa badyet ay ang Kamara pa ang pinagdudahan nito na nagpalutang sa nasabing kontrobersya.
“Ang tanong naman po ay… kay Senate President Chiz, bakit po sa amin ibinabato ang tanong? Bakit ‘pag may mga criticism sa kanya ay tinataasan niya ng kilay ang House of Representatives. Siguro mas mainam na sagutin na lang po ‘yung tanong,” ayon kay Abante.
Nilinaw naman ni Abante na wala siyang nalalaman sa CCTV footage na tinukoy sa report na nagpapakita sa pagpasok ni Escudero sa Batasan compound ng disoras ng gabi sa kasagsagan ng deliberasyon sa 2025 national budget.
“Sa amin po, ako personally, hindi ko alam ‘yung tungkol doon sa CCTV. I’m not part of the House at that time,” ani Abante.
Kumalat sa online ang CCTV footage ng umano’y pagbisita ni Escudero sa Kamara sa pagsasapinal ng bicameral report.
Naniniwala si Escudero na demolition job ang nasa likod ng malisyoso at walang basehang alegasyon na nag-uugnay sa kanya sa kuwestiyonableng infrastracture project upang harangin ang kanyang reelection bilang pinuno ng Senado.
Sabi niya, ang pagkonek sa kanya at kay Sen. Joel Villanueva ay bahagi ng “well-funded smear campaign” para madiskaril ang kanyang reelection bid bilang Senate President.
