Bong Go nanguna sa Pulso ng Pilipino survey


MANILA, Philippines — Lubos na nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino matapos muling manguna sa pinakahuling nationwide survey ng Pulso ng Pilipino na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 3, 2025.

Nakakuha si Go ng 59% suporta o dalawang puntos na pagtaas mula sa 57% sa nakaraang survey noong Abril 11-15.

Siya rin ang nananatiling top choice para senador sa naitalang 100% awareness rating.

“Lubos po ang aking pasasalamat sa patuloy na tiwala at suporta ninyo aking mga kababayan,” ani Go.

Muling pinagtibay ni Go ang kanyang determinasyong ituloy ang mga patakaran na maglalapit ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan—lalo na sa mga nangangailangan.

Binigyang-diin ni Go na nananatiling prayoridad niya ang pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino, lalo sa pag-access sa abot-kayang pangangalagang pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.

Bukod sa Pulso ng Pilipino poll, nangunguna rin si Go sa iba pang pangunahing survey. Sa nationwide survey ng Pulse Asia mula ­Abril 20-24, 2025, nasambot niya ang 62.2% suporta ng botante, gayundin sa Arkipelago Analytics na isinagawa noong Abril 26-Mayo 1 kung saan ay naitala niya ang 63%.