Bong Go nangunguna sa survey ng Arkipelago Analytics; Tulfo at Bato sumunod


 

MANILA, Philippines — Patuloy na nangunguna si Bong Go sa mahigpit na labanan para sa Senado, ayon sa pinakabagong pambansang survey ng Arkipelago Analytics.

Isinagawa ang survey mula Abril 26 hanggang Mayo 1, 2025 sa 1,400 rehistradong botante mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. May margin of error itong ±3 porsiyento at 97 porsiyentong antas ng kumpiyansa.

Nangunguna si Go na may 63 porsiyento, kasunod si Erwin Tulfo na may 55 porsiyento at si Ronald «Bato» Dela Rosa na may 47 porsiyento. Tabla sa ikaapat na puwesto sina Ben Tulfo at Tito Sotto na parehong may 42 porsiyento. Kasama rin sa Top 10 sina Pia Cayetano (41%), Camille Villar (40.5%), Ramon «Bong» Revilla Jr. (39%), Lito Lapid (38.7%) at Willie Revillame (38%).

Bagama’t baguhan sa pagtakbo sa Senado, pasok agad si Camille Villar sa Top 10. Nakakuha siya ng 40.5% sa survey.

Sumusunod naman sina Rodante Marcoleta (34%), Bam Aquino (33.5%), at Imee Marcos (33%). Tabla sa 32% sina Abby Binay, Ping Lacson, Manny Pacquiao, at Phillip Salvador. Bahagyang nasa likuran sina Kiko Pangilinan at Jimmy Bondoc na may 29% at Gringo Honasan na may 27%.

Nasa ibaba ng listahan sina Benhur Abalos (21%), Francis Tolentino (20.5%), Raul Lambino at Vic Rodriguez (20%), Col. Bosita (17%), Doc Marites Mata (16.5%), Jayvee Hinlo (16%), Amirah Lidasan (12%), Nur-Ana Sahidulla (11%), Apollo Quiboloy (10.5%), at Eric Martinez (5%).

Ginamit ng Arkipelago Analytics ang hybrid weighting method na 70% popularidad at 30% voter conversion efficiency upang masukat hindi lang ang pagkilala kundi pati ang posibilidad ng pagkapanalo ng mga kandidato. Ipinapakita rin ng survey ang dikit na laban mula ikaapat hanggang ikasampung puwesto, na indikasyon ng matinding kompetisyon sa darating na halalan.

Ang Arkipelago Analytics ay isang independiyenteng research firm na nagbibigay ng opinyon publiko, election forecasts at policy analysis gamit ang makabagong pamamaraan.