Bong Go sa Palasyo: Umento sa sahod, isabatas na


MANILA, Philippines — Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go para sa agarang pagsertipika sa panukalang dagdag-sahod na inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang taon.

Nababahala si Go na ang pagkaantala—lalo ang hindi pa rin pagsertipika ng Palasyo sa panukalang batas bilang “urgent”—ay makahahadlang sa progreso ng matagal nang ginagawang pagsisikap na matulungan ang mga manggagawang Pilipino.

Habang natupad na ng Senado ang bahagi nito, binigyang-diin ni Go na ang panukala ay naghihintay na lamang ng aksyon ng House of Representatives at Executive branch.

Magalang niyang hinikayat si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na isaalang-alang ang pagsertipika sa panukalang batas bilang “urgent” habang umaasa na ang Kamara ay kikilos sa counterpart version nito. Binanggit niya na ang pinal na pag-apruba sa panukala ng ika-19 Kongreso ay para maiwasan na bumalik sa umpisa ang proseso sa susunod na lehislatura

Binigyang-diin ni Go na ang pag-reconcile sa Senate Bill No. 2534 na humihingi ng P100 arawang minimum wage increase sa panukalang dagdag na P200 na itinulak sa Kamara ay isa na ngayong usapin ng “political will”.

“Kung hindi ito mabibigyang-prayoridad, may posibilidad na maramdaman ng ating mga mang­gagawa na tila naisantabi ang kanilang panawagan,” idiniin ni Go.