Bulkang Kanlaon sumabog | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Nagkaroon ng pagsabog kahapon ng umaga ang Bulkang Kanlaon sa Negros.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang pagsabog ay namataan sa summit vent ng Kanlaon na nagsimula alas-5:51 ng umaga kahapon.

Nagluwa ito ng voluminous bent plume na may 4,000 meters ang taas na nalulusaw sa may timog kanlurang bahagi ng bulkan.

Alas-6:47 ng umaga natapos ang pagsabog sa bulkan.

Naapektuhan ng ashfall ang isang barangay sa bayan ng La Castellana; apat na barangay sa La Carlota City at isa sa Bago City, pawang sa Negros Occidental.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Region 6 Chief Raul Fernandez, nasa 8,000 katao na ang nasa mga evacuation centers. Mi­nobilisa na rin ang Army’s 3rd Infantry Division (ID) para magsagawa ng humanitarian and disaster relief mission (HADR).

“Sa ngayon po, nagkakaroon na rin ng evacuation doon sa affected areas outside the six-kilometer permanent danger zone,” sabi ni Fernandez. Nagkaroon na rin ng pagsuspinde ng klase.

Ang bulkang Kanlaon ay nasa ilalim ng Alert level 3 status na ibig sabihin ay maaaring sumabog anumang oras.