February 8, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Isa po akong mister na ngayon ay nagdurusa sa malamig na hangin ng katahimikan sa loob ng aming bahay.
Nitong nakaraang linggo kasi ay nakalimutan ko ang anniversary naming mag-asawa. Oo, Dr. Love, guilty po ako.
Sa totoo lang, hindi ko naman talaga sinasadyang makalimot. Naging abala lang sa trabaho at sa rami ng iniisip.
Pero alam ko namang hindi iyon sapat na dahilan para makalimutan ang isang napakahalagang araw—ang araw na pinangako ko sa kanya ang habangbuhay.
Wala akong nabanggit, wala akong naihandang kahit simpleng bulaklak o mensahe man lang.
Nang siya pa ang unang bumati ng “Happy Anniversary,” roon lang ako napahinto at tila binuhusan ng malamig na tubig.
Ngayon, ramdam ko ang tampo niya. Hindi siya galit na galit, pero tahimik. At mas masakit pala ang ganung katahimikan.
Mahal na mahal ko ang misis ko, Dr. Love. Hindi ko lang talaga napaghandaan ang araw na iyon.
Paano ko po kaya mababawi ang pagkukulang ko? Paano ko maipaparamdam sa kanya na hindi ko man naalala ang petsa, hindi ko kailan man nakalimutan ang halaga niya sa buhay ko?
Marko
Dear Marko,
Alam mo, hindi ang pagkalimot ang pinakatumatagos sa puso ng misis mo—kundi ang pakiramdam na baka hindi na siya espesyal sa iyo.
Tandaan mo, ang anniversary ay hindi lang simpleng petsa.
Simbolo ito ng pagpili ninyo sa isa’t isa araw-araw. Kaya kapag nakalimutan mo ito, parang nakalimutan mo ring ipagdiwang ang pagmamahalan ninyo.
Pero heto ang magandang balita: hindi pa huli ang lahat.
Huwag ka lang basta mag-sorry. Iparamdam mo.
Magplano ka ng simpleng “late ce-
lebration.” Kahit hindi engrande—isang sulat-kamay na liham, paborito niyang pagkain, o isang tahimik na dinner na kayong dalawa lang.
Sabihin mo sa kanya kung gaano ka nagpapasalamat na siya ang kasama mo sa buhay.
At higit sa lahat, magsimula kang gumawa ng paraan para hindi na ito maulit—mag-set ng reminders, magplano nang mas maaga.
Ang pag-ibig, hindi lang nararamdaman. Pinaghahandaan din.
Hindi sukatan ng pagmamahal ang perpektong alaala ng petsa, pero sukatan ito ng effort at pagpapahalaga.
Bawi ka, mister. Hindi sa salita lang, kundi sa gawa.
DR. LOVE