Buwanang job fairs inutos ni Pangulong Marcos


MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng buwanang job fairs para magkaroon pa ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino na makahanap ng trabaho.

Sa pahayag ng Pa­ngulo sa ika-123rd ­Labor Day celebrations noong Huwebes, ­sinabi nito na mula Hulyo 2022 hanggang Pebrero ngayong taon ay mahigit 4,000 job fairs na ang naisagawa.

Aktibo rin aniya ang gobyerno sa panghihikayat sa foreign at local investors sa bansa para mapalakas pa ang job creation.

“Mahigpit kong ­naging tagubilin sa ­Kalihim ng Paggawa na siguruhin na ­buwan-buwan ay magdaraos tayo ng job fair upang mas marami pang mabigyan ng trabaho,” pahayag pa ni Marcos.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo na patuloy ang pagbuti ng kalagayan ng labor market, patunay aniya noong Pebrero ay bumaba sa 3.8 percent ang unemployment rate ng bansa.

Sinabi naman ni OIC Assistant Secretary Patrick Patriwirawan Jr. ng DOLE Bureau of Local Employment na marami ngayong bakanteng trabaho sa manufacturing, retail, business process outsourcing, accomodation and food service at financial and insurance activities.

Kinilala naman ni Marcos ang kontribusyon ng mga manggagawang Pilipino na inilarawan niya bilang “Foundations and Pillars” ng lipunan.