August 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — May napili na umanong bagong kalihim ng Department of Public Works and Highway (DPWH) si Pangulong Bongbong Marcos matapos umugong ang plano ni Secretary Manny Bonoan na magbitiw sa tungkulin sa lalong madaling panahon.
Ayon sa DPWH insider, si Usec for Planning Services Maria Catalina Cabral ang posibleng italagang kalihim ng departamento dahil ito na rin mismo ang sinasabi niya sa mga pulong ng mga opisyal.
Sinabi ng source na nag-apply na rin si Cabral bilang DPWH secretary noong magsumite ng courtesy resignation si Bonoan matapos hilingin ng Pangulo ang pagbibitiw ng mga cabinet members dahil sa naging resulta ng eleksiyon.
Sinabi pa ng source na si Cabral din ang pinagkakatiwaan ni Bonoan kaya halos lahat ng sensitibong posisyon sa departamento ay ibinigay na nito sa opisyal.
Gayunman, naniniwala ang source na may kapasidad naman si Cabral na maging DPWH secretary dahil mahaba na rin ang naging karanasan nito sa public works.