Casino CEO handang mag-host ng Torre vs Baste charity boxing


MANILA, Philippines — Sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes na handang magbigay ng lugar ang executive ng isang resort casino hotel para sa umano’y “charity boxing match” sa pagitan ni PNP chief General Nicolas Torre III at Davao City acting Mayor Sebastian Duterte.

Sa post sa X (dating Twitter), sinabi ni Lacson na isang mapagkakatiwalaang source ang nagbigay sa kanya ng impormasyon tungkol sa pag-aalok ng venue sakaling matuloy ang laban.

“A credible source told me last night, the CEO of a popular resort casino hotel, a well-known philanthropist is willing to open their ballroom for the ‘charity boxing match’ between Nick Torre and Baste Duterte,” sabi ni Lacson.

Samantala, ibibili ni Lacson ng tickets ang isang buwan niyang pensiyon bilang retired 4-star general kung matutuloy ang suntukan nina Torre at Baste Duterte at makikinabang ang mga biktima ng baha.

Sinabi rin ni Lacson, dating hepe ng PNP na bagamat masasabing hindi “appropriate” na pinatulan ni Torre ang hamon ni Vice Mayor Duterte, pero personal na desisyon niya ito matapos na siya ay hamunin at insultuhin ng bise alkalde sa harap ng publiko.

Para kay Lacson, tama man o mali, dapat na igalang ang pasya ni Torre na tanggapin ang hamon na boxing match ni VM Duterte.