MANILA, Philippines — May mga nagsusulong na sa paglalagay ng mga CCTV sa mga silid-aralan upang mabantayan ang mga estudyante laban sa bullying.
Ayon kay Sen. Win Gatchalian, may natanggap na silang mga mungkahi at petisyon para sa paglalagay ng CCTV sa gitna nang mga insidente ng bullying sa silid-aralan na ang ilan ay nagiging viral sa social media.
Nakatakdang imbestigahan ngayong araw, Abril 8, ang mga insidente ng bullying sa mga eskuwelahan kung saan pagtutuunan ng pansin kung ano ang ginagawa ng pamunuan ng mga eskuwelahan para matigil ito.
Kamakailan ay nag-viral ang video sa isang iskul sa Quezon City kung saan paulit-ulit na sinasabunutan ng mga estudyante ang isa pang estudyanteng babae.
Pinuna rin ni Gatchalian na bukod sa dumarami ang insidente ay nagiging bayolente pa ang mga nambu-bully at inia-upload pa sa social media ang karahasang ginagawa.
