MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang Chinese research vessel ang namataan nitong Miyerkules ng umaga sa archipelagic waters ng bansa, sa silangan ng Palawan na nakaharap sa Visayas at Mindanao.
Sa isang forum ng Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG for West Philippine Sea (WPS), nakita ang Chinese research ship na Song Hang sa layong 58 nautical miles silangan ng Aborlan, Palawan.
Kasalukuyang sinusubaybayan ng PCG ang mga galaw ng Song Hang gaya ng pagdeploy ng aircraft kahapon ng umaga para sa maritime domain awareness (MDA) flight.
“I would just like to confirm that there is a presence of the Chinese research vessel. This is an ongoing operation. And I am not authorized to disclose the full details,” ani Tarriela.
Samantala sa post sa X (Twitter), sinabi ni dating US Air Force official at ex-Defence Attaché Ray Powell na noong Martes pa nasa katubigan ng Pilipinas ang nasabing research ship, na patungo sa Indian Ocean, subalit kinuwestiyon kung bakit kailangan pang dumaan sa sakop ng bansa.
Maari rin aniyang magkaroon ng “dual use”, na may kakayahang mag-espiya.