Chiz nilabag Konstitusyon, ‘di sinunod ‘forthwith’- ConConmember


MANILA, Philippines — Inihayag ni Atty. Rene Sarmiento, isa sa mga miyembro ng Constitutional Commission na nagbalangkas ng kasaluku­yang Konstitusyon, ang probisyon na “forthwith” sa Konstitusyon na agarang simulan ang impeachment trial na isang “utos” at layunin nitong pigilan ang mga pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno, panagutin sila, at mapanatili ang “constitutional government.”

Ayon kay Sarmiento, ang anim na buwang pagkaantala sa paglilitis na gusto ni Senate President Chiz Escudero ay “hindi makatwiran.”

Aniya, dapat na sundin ni Escudero ang lahat ng mga patakaran, batas, at polisiya alinsunod sa doktrina ng konstitusyonal na kataas-taasan.

Naninindigan si Sar­miento na kung hindi ito susundin, ang “kamandag” ng batas ay hindi na dapat naroroon at ang mga nagkakamaling opisyal ng gobyerno ay hindi na matatakot.

Dahil dito, hindi tuloy naitagong kwestiyu­nin, kung bakit gustong simu­lan ni Escudero ang paglilitis sa Hulyo 30, halos anim na buwan matapos isumite ng Kamara ang mga artikulo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5 gayon maari naman ngayong Marso 15 o sa Abril.

Binalewala rin umano ni Escudero ang lahat ng mga panawagan at argumento para sa agarang pag-convene ng impeachment court at hiniling pa nito  na dapat mayroong “clamor” bago niya ipagpatuloy.

Binigyang-linaw ni Sarmiento na “dapat walang pagkaantala” sa impeachment trial tulad ng iniuutos ng Konstitusyon dahil ang isyu ng pananagutan sa gob­yerno ay “mahalaga…dahil ang pampublikong tungkulin ay isang pampublikong tiwala”.

Idinagdag pa nito na maraming miyembro ng komisyon ng konstitusyon ang sumasang-ayon sa kanya na ang “forthwith” ay nangangahulugang “dapat ituloy agad, at hindi nag-aatubili.”