August 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Itinanggi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na konektado siya sa Centerways Construction and Development Inc., sinasabing pangunahing donor niya sa 2022 elections at nakakuha ng mahigit P5.16 bilyong flood control projects mula 2021 hanggang 2024.
Ayon sa report, ang Centerways Construction and Development Inc., na pag-aari ni Lawrence Lubiano ay nagbigay ng P30 milyon sa campaign funds ni Escudero noong 2022 election.
Ang Sorsogon-based construction firm ay may limang flood control contracts noong 2021 subalit noong 2022 nakasungkit umano ito ng 44 na kontrata.
Sinabi ni Escudero na inulit lang umano ang artikulo at idinikit sa mga kuwentong may kinalaman sa isyu ng insertion sa 2025 national budget.
Nilinaw din ni Escudero, hindi niya tinulungan ang Centerways na makakuha ng flood control projects sa pamahalaan at noong nakakakuha ito ng malaking kontrata, hindi pa siya nakabalik sa Senado dahil gobernador siya ng Sorsogon noon.
Dagdag pa ni Escudero, hindi siya partner o naging bahagi ng negosyo ni Lubiano.
