Comelec: Election-related violence sa Maguindanao, Cotabato City tumaas


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

February 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — May namonitor umanong pagtaas ng election-related violence sa Maguindanao at Cotabato City ang Commission on Elections (Comelec).

Ito ang kinumpirma ni Comelec chairman George Erwin Garcia sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay kahapon.

Sa naturang forum, natanong si Garcia ng mga mamamahayag kung may naitatala silang pagtaas ng mga kaso ng karahasan, ngayong nalalapit na ang pagdaraos ng May 12 National and Local Elections.

Tugon naman ni Garcia, “Sa Maguindanao and Cotabato City.”

Ayon kay Garcia, nagsimula silang makapagtala ng ilang insidente ng krimen sa ilang lugar bago magsimula ang campaign period para sa national elections.

Paglilinaw naman ni Garcia, ang naitatala nilang election-related violence cases ngayong taon ay pinakamababa pa rin mula noong 2013.

Samantala, sinabi rin ni Garcia na mas marami pang lugar sa bansa ang maaaring mailagay sa areas of concern ng poll body, habang papalapit ang halalan.