Comelec: Kampanyahan last day na ngayon


MANILA, Philippines — Pinaalalahanan kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa May 12 midterm elections na mayroon na lamang silang hanggang ngayon Mayo 10, Sabado, para ­mangampanya para sa nalalapit na halalan sa Lunes.

Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia, mahigpit nang ipinagbabawal ng batas ang pangangampanya simula sa bisperas ng halalan sa Mayo 11, Linggo, hanggang sa mismong araw ng halalan.

“Pinapayuhan po natin ‘yung mga kandidato na may pagkalalaking tarpaulin pa sa mga highway. Maganda po na pakitanggal na lahat ‘yan,” paalala pa ni Garcia.

“Hindi po namin mapipigilan ang kahit na sinong magkakalaban na mag-file ng kaso laban sa inyo, sapagkat ‘yung presensya ng mga tarpaulin, ng mga campaign materials na nasa mga kalsada ay simbolo pa rin ng pangangampanya, and therefore, dapat po ‘yang ipatanggal,” dagdag pa niya.

Dagdag pa ni Garcia, iiral na rin simula sa Linggo ang liquor ban.

Ang sinumang lalabag sa liquor ban ay maaaring maharap sa parusang pagkakulong ng hanggang anim na taon.

“Huwag po muna tayo mag-iinom [ng alak] ng panahong ito. Ipagpaliban na lang po kung hindi man sa bahay na lang kung hindi talaga kayang mapigilan. Bawal na bawal po ‘yan. Nagsaya ka nga nakulong ka naman ng anim na taon,” pahayag pa ng poll chief, sa isang ambush interview.

Exempted naman sa liquor ban ang mga hotel, resorts, restaurants, at iba pang establisimyento na accredited ng Department of Tourism (DOT) bilang tourist-oriented ngunit kinakailangang sila ay mayroong naunang written authority.

Maging ang sabong ay bawal din muna at dapat na itigil.

“Kahit ‘yong pagsasabong kinakailangang matigil muna ‘yan dito po sa ating papalapit na halalan,” ani Garcia.

“So ‘yon po ay warning lang para hindi po kayo nagkakaproblema,” aniya pa.