MANILA, Philippines — Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang Department of Agriculture (DA) na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng kanilang P20/kilo Rice Project, sa pagtatapos ng midterm polls.
Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia, layunin nitong maiwasang magamit ang proyekto sa pamumulitika o pangangampanya ng mga kandidato.
Ipinaliwanag ni Garcia na maaari namang ituloy na lamang ang rollout ng proyekto pagkatapos ng halalan sa Mayo 12.
“Ang sabi nga natin, pagkatapos ng araw na ito, medyo tigil muna bukas. Pupuwede naman maituloy after ng May 12, kahit sa May 13 na lang uli sila magsimula ng murang bigas,” ani Garcia, sa panayam sa radyo.
Binigyang-diin pa ni Garcia na, “Hindi po para ang Comelec maging hadlang sa tulong sa ating mga kababayan. Kaya lang ang sabi ng batas, hindi dapat nagagamit ang state resources para sa pamumulitika ng iba o para i-promote ang kandidatura ng iba.”
Una nang binigyan ng Comelec ang DA ng exemption mula sa 45-day election spending ban para sa P20 per kilo Rice Project.
Sinimulan naman ng DA ang pilot test ng P20-per-kilo rice initiative sa Cebu kahapon ng umaga, Labor Day.
Ang ‘ayuda’ ban ng Comelec ay magsisimula ngayong Mayo 2 at magtatagal hanggang sa araw ng halalan sa Mayo 12.