CPA-Lawyer timbog sa serial child exploitation


MANILA, Philippines — Arestado ang isang abogado na sangkot umano sa serye ng child exploitation, sa operasyon ng pinagsanib na pwersa ng gobyerno sa Zamboanga City.

Sa ulat ng Department of Justice (DOJ), inaresto si Atty. Michael P. Molina, isang certified public accountant, abogado at realtor na nahaharap sa mga kasong Anti-Trafficking in Persons Act (RA 9208), Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (RA 11930), at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act (RA 7610) na may mabigat na parusa.

Nasagip ang 3 menor-de-edad mula sa kaniyang bahay at 6 pang biktima ang natukoy, na ngayon ay nasa hustong gulang na mula nang abusuhin noong mga bata pa.

Batay sa mga nakumpiskang ebidensya, nagsimula si Molina sa pang-aabuso sa mga kabataan noong 2012, habang ang pagkalap ng child abuse materials ay nagsimula noong 2002, batay sa in-depth forensic examination ng kaniyang devices.

Itinurn-over na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 3 menor-de-edad na nasagip sa operasyon.