September 28, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Ako po si Tony. Gusto ko lang ipamahagi ang napakalaking biyaya sa aming pamilya. Sa loob ng 11 taon na paghihintay at pagdarasal, hindi kami nawalan ng pag-asa ng aking misis. Mas naging matatag ang aming pagmamahalan sa kabila ng mga pagsubok.
Ngayon, sa wakas, biniyayaan kami ng Panginoon ng isang malusog na baby boy. Pagkahawak ko sa kaniya, napawi ang lahat ng taon ng paghihintay. Saludo ako sa sakripisyo at tiyaga ng aking misis, at lubos ang aking pasasalamat sa Diyos sa Kaniyang tamang panahon.
Para sa mga mag-asawang patuloy na naghihintay, huwag kayong mawalan ng pag-asa. May nakalaang sagot ang bawat panalangin.
Tony
Dear Tony,
Isang mainit na pagbati sa inyong mag-asawa! Ang inyong 11 taong paghihintay ay patunay na walang imposible sa pananampalataya at tunay na pag-ibig.
Narito ang aking paalala para sa iyo ngayong ganap ka nang ama, alagaan mo ang iyong misis. Tulungan at suportahan mo siya ngayong postpartum stage. Ang kaniyang sakripisyo ang nagbigay-buhay sa inyong pangarap.
I-enjoy ninyo ang bawat sandali. Mabilis lumaki ang bata. Yakapin mo ang bawat puyat at pag-iyak—mga sandali itong hindi na mababawi.
Panatilihing pundasyon ang pag-ibig at Diyos. Kung paanong ang pananampalataya ang nagtawid sa inyo sa 11 taon, iyon din ang gamitin ninyong gabay sa pagpapalaki sa inyong anak.
Ang inyong kwento ay magsisilbing liwanag at pag-asa sa marami pang naghihintay. Pagpalain nawa ng Panginoon ang inyong pamilya!
DR. LOVE